Maikling Kwento-ay isang maiksing salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisang kakintalan o impresyon lamang. Isa itong masining na anyo ng panitikan. Tulad ng nobela at dula, isa rin itong paggagad ng realidad, kung ginagagad ang isang momento lamang o iyong isang madulang pangyayaring naganap sa buhay ng pangunahing tauhan. Si Edgar Allan Poe ang tinuturing na "Ama ng Maikling Kuwento."
Kayarian-Bilang isang akdang pampanitikan, maaaring magsalaysay ng tuluy-tuloy ang maikling kwento ng isang pangyayari hango sa tunay na buhay; may isa o ilang tauhan lamang, sumasaklaw ng maikling panahon, may isang kasukdulan, at nag-iiwan ng kakintalan o impresyon sa isip ng mambabasa.
Tema- Ang tema ang pangkalahatang kaisipang nais palutangin ng may-akda sa isang maikling kwento. At ang kaisipang ito ang binibigyan ng layang maikintal sa isipang ng mga mambabasa. Maaaring maging tema ang mga sumusunod: palagay sa mga naganap na pangyayari sa lipunan, obserbasyon ng may-akda tungkol sa pag-uugali ng tao, paniniwala sa isang katotohanan o pilosopiyang tinatanggap ng tao sa buong daigdig sa lahat ng panahon, o ang dahilan ng pagkakasulat ng may-akda.